Napasakamay na ng Kamara de Representante at Senado ang report ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa deklarasyon ng batas militar sa Mindanao.
Ayon kay House Majority Leader Rodolfo Fariñas, personal na tinanggap ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang report ng pangulo sa Davao City.
Sinabi ni Fariñas na dakong 9:41 ng gabi nang mahawakan ng pinuno ng kamara ang nasabing ulat.
Dakong alas-10:00 ng gabi natapos ang 48-oras ng pangulo para magsumite ng ulat sa Senado at Kamara ng kanyang report ukol sa deklarasyon ng batas militar.
Sa ilalim ng Section 18 ng Article VII ng 1987 Constitution, kailangang magsumite ng written o personal report ang pangulo sa Kongreso sa loob ng 48 oras matapos maideklara ang martial law.
Maari namang ipawalang-bisa ng Kongreso sa pamamagitan ng magkasamang boto ng mayorya ng mga ito sa isang regular o special session ang deklarasyon na hindi maaring balewalain ng pangulo.
Maari din namang palawigin sa 60-araw na itinatadhana ng Saligang Batas ng Kongreso ang bisa ng batas militar sa pamamatigan ng inisyatibo ng pangulo.