Hontiveros: Martial law hindi makakakuha ng suporta sa Senado
‘Disproportionate’ umano o hindi akma ang naging deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paglalagay sa buong Mindanao sa ilalim ng martial law.
Nagtataka si Sen. Risa Hontiveros kung bakit martial law agad ang naging tugon ng pangulo kung saan sa Marawi City lamang naman ang apektado pero idinamay ang buong Mindanao sa pagpapatupad ng batas militar.
Ikinumpara ni Hontiveros ang naging tugon ng nakalipas na mga administrasyon kung saan noong umatake ang bandidong Abu Sayyaf Group sa Ipil, Zamboanga Sibugay noong 1995 sa ilalim ni dating Pangulong Fidel Ramos at noong 2001 sa Lamitan, Basilan sa panunungkulan ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Paliwanag ni Hontiveros, mas malala umano ang mga sitwasyon noon kung saan maraming mga sibilyan ang namatay pero hindi tinugunan ng martial law ng mga nakalipas na presidente at hinayaan lamang ang militar na gawin ang kanilang tungkulin hanggang sa magbalik sa normal ang sitwasyon.
Samantala, aminado si Hontiveros na malabong suportahan nilang mga senador ang batas militar ni Pangulong Duterte lalo at nanggaling na mismo sa bibig nito na maari niyang palawigin ang martial law sa Visayas at maging sa buong bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.