Matapos payuhan ni Pangulong Benigno Aquino III na mag-avail ng libreng medical check-up, sinabi ni Vice President Jejomar Binay na ‘ok na ok’ ang kaniyang kalusugan.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Binay na limang beses siya kung mag-ehersisyo at ang mga sumasabay sa kaniya ang mas pagod na pagod.
Ayon sa 72-anyos na bise presidente, ang katatagan niya sa ginagawa niyang araw-araw na pag-eehersisyo ay patunay lamang na maayos ang kaniyang kalusugan at walang dinaramdam sa katawan.
Hinamon din ni Binay ang mga kumuwestiyon sa kaniyang kundisyon na sumama sa kaniya at sabayan siya sa kaniyang exercise.
“Nage-exercise ako, limang beses ako nage-exercise. ‘Yung mga nakakasama ko, mas pagod na pagod, in short, OK ako. Hamon ko sa kanila, sumama kayo sa akin kapag ako ay nage-exercise,” ani Binay.
Kahapon sa kaniyang mensahe sa pagbisita sa Cebu, pinaalalahanan ng Pangulong Aquino si Binay na may ibinibigay na libreng medical treatment ang pamahalaan. Tila daw kasi kailangang magpacheck-up ng pangalawang pangulo.
Partikular na tinukoy ni PNoy ang tila panlalabo na aniya ng mata ni Binay kaya dapat itong magpatingin sa optometrist. Ayon sa presidente, hindi kasi nakita ni Binay ang mga inilaang pondo ng administrasyon para sa mga infrastructure projects sa Cebu.
Una nang sinabi ni Binay na kulang ang suporta ng national government sa Cebu kaya bumagsak ito sa number 3 sa competitive index mula sa pagiging number 1./ Dona Dominguez-Cargullo