Dating Pangulong Aquino, itinangging may koneksyon kay Janet Napoles
Mariin ang pagtanggi ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang anumang koneksyon sa tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles.
Ayon kay Aquino, walang katotohanan na nakinabang siya sa anumang transaksyon ni Napoles kahit siya pa ang pangulo noong pumutok ang pork barrel scam.
Sinabi ng dating pangulo sa lahat ng naniniwalang may kinalaman siya sa pork barrel scam na mag-isip muna at tiyakin na gising sila at hindi nananaginip lamang.
Itinanggi din ni Aquino na binigyan nila ng VIP treatment si Napoles nang sumuko ito mismo sa Malacañang noong 2013 dahil sa umano’y koneksyon nito sa dating administrasyon.
Sakop ng anomalya ang 2003-2013 Priority Development Assistance Fund o PDAF ng mga mambabatas.
Si Aquino naman ay itinalaga bilang pangulo ng bansa noong 2010.
Kinuwestyon din ni Aquino ang plano na gawing state witness si Napoles gayung siya ang umano’y utak ng pork barrel scam.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.