Aquino, no comment muna sa deklarasyon ng martial law ni Duterte
Tumanggi si dating Pangulong Benigno Aquino III na magkomento tungkol sa pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng martial law sa Mindanao.
Ayon kay Aquino, hindi pa siya nakakakuha ng kabuuang impormasyon tungkol sa mga pangyayari sa Marawi City, na dahilan ng pangulo sa kaniyang deklarasyon.
Masyado pa aniyang kaunti ang mga lumalabas na impormasyon tungkol sa sitwasyon doon.
Aniya dahil dito, hindi niya masasabi tama ba ang desisyon o hindi.
Naalala din ni Aquino na nagkaroon din ng panahon kung kailan ikinonsidera niya rin ang pagdedeklara ng martial law noon sa Sulu upang masupil ang mga terorista.
Hindi aniya ito natuloy dahil kinonsulta niya ang security sector, partikular ang mga military commanders.
Naniniwala kasi ang mga ito na hindi makapagbibigay ng malaking tulong noon ang deklarasyon ng martial law sa lugar.
Ayon pa kay Aquino, iba ang sitwasyon sa Sulu, dahil sa tagal na ng mga terorista doon, marami na silang mga kaanak at taga-suporta kaya kakaunti lang ang tumutulong sa gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.