107 inmates, pinatakas ng Maute Group

 

Mahigit 100 na mga preso ang pinatakas ng mga teroristang Maute Group nang salakayin nila ang isang piitan sa Marawi City.

Ayon kay Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Mujiv Hataman, kabuuang 107 ang bilang ng mga presong pinatakas ng Maure matapos nilang lusubin ang Malabang District Jail at Marawi City Jail.

Kabilang sa kanilang mga pinalaya ay pawang mga miyembro rin ng kanilang grupo na nakakulong.

Ayon pa kay Hataman, kinuha rin ng mga ito ang mga sasakyan na nakaparada sa loob ng pasilidad para makatakas.

Sinabi rin ni Hataman na pawang mga nagsanib-pwersa na miyembro ng Maute Group at Abu Sayyaf Group ang kumukubkob sa Marawi ngayon.

Samantala, sa ngayon ay ipinadala na ni Hataman si Vice Gov. Al Rashid Lucman para tugunan ang pangangailangan ng mga lumikas na pamilya.

Tinutulungan na rin aniya ng mga lokal na opisyal ang mga residenteng hindi Moro sa Marawi City, dahil sa mga ulat na papatayin umano sila agad ng mga terorista kapag sila ay nakita.

Nakahanda naman na ang ARMM Humanitarian Emergency Assistance Action and Response Team (HEART) para magpamigay ng 20,000 na food packs sa mga pamilyang lumikas sa Marawi.

Read more...