Pinalawig ng anim na buwan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang termino ni Armed Forces Chief of Staff Eduardo Año.
Sa June 2 sana nakatakdang bumaba sa kanyang pwesto ang opisyal para italaga bilang bagong kalihim sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Ipinaliwanag ng pangulo na mahalaga ang papel na gagampanan ni Año sa pagpapanumbalik ng katahimikan sa Marawi City at Mindanao bilang administrador ng martial law.
Sa kanyang nilagdaang kautusan, sinabi ni Duterte na posible ring mapalawig ang 60-day implementation ng martial law sa Mindanao.
“Extremism problem in Mindanao has to stop; I’m will to gamble with martial law”, ayon sa pangulo.
Binanggit rin ng pangulo na nakahanda siyang pumunta sa Marawi City para kausapin ang Maute terror group at sagipin ang kanilang mga bihag.
Kanya ring inakusahan na sangkot na rin sa sindikato ng iligal na droga ang mga kasapi ng terrorists group sa bansa.