“I will be harsh”
Ito ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa pagpapatupad ng Martial Law sa Mindanao dahil sa nagaganap na pag-atake ng Maute terror group sa Marawi City.
Sa video interview na inilabas ni Presidential Communications Assistant Sec. Mocha Uson sa Facebook, sinabi ni Pangulong Duterte na walang pagkakaiba ang ipatutupad niyang Martial Law sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Tahasang inihayag ng pangulo na magiging ‘harsh’ o malupit siya sa mga terorista.
Wala aniya dapat ikatakot ang lahat ng Filipino dahil kapag nakabalik na siya sa Pilipinas, siya na ang haharap sa problema.
Dagdag pa ni Duterte, kinailangan niyang pagdeklara ng Martial Law sa Mindanao para maprotektahan at mapangalagaan ang Republika ng Pilipinas.
Alas tres ng madaling araw, oras sa Moscow, nang lumipad na pabalik sa Pilipinas si Pangulong Duterte matapos putulin ang kanyang official visit sa Russia.
Inaasahang dadating sa bansa ang pangulo mamayang alas kwatro ng hapon.