Tiniyak ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office chief Col. Edgard Arevalo na kontrolado na nila ang sitwasyon sa Marawi City.
Sa kaniyang inilabas na pahayag, nilinaw rin ni Arevalo na hindi ISIS, kundi pawang mga local terrorist group ang kanilang nakasagupaan.
Iginiit din niyang hindi totoo ang mga umano’y “eyewitness account” na nakubkob ng mga teroristang grupo ang Amai Pakpak Hospital at na nabihag ang mga tao doon.
Hindi rin aniya totoo na nakubkob ang Marawi City Hall, at ang mga narinig na palitan ng putok ay pawang mga diversionary tactics lang ng grupo para hatiin ang atensyon ng mga sundalo.
Dakong alas-2:00 ng hapon ng Martes, nang magsagawa ng operasyon ang mga sundalo sa Brgy. Basak, Malutlut sa Marawi City dahil sa mga impormasyon tungkol sa presensya ng mga terorista doon.
Sinalubong aniya sila ng putok pagdating pa lang ng mga sundalo sa lugar.
Sa ngayon, patuloy pa rin aniya ang mga follow-up operations ng kampo ng gobyerno, ngunit hindi na sila makapagbibigay ng iba pang detalye tungkol dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.