Ayon kay AFP spokesman Col. Edgard Arevalo, posibleng malagay sa alanganin ang buhay ng mga sundalo at maging mga inosenteng sibilyan kung makikita ng mga kalaban ang troop movements sa lugar sa pamamagitan ng social media.
Nagpapatuloy aniya ang follow-up operations sa Marawi City ngunit hindi muna nila isisiwalat upang hindi makompormiso ang lagay ng puwersa ng gobyerno.
Itinanggi rin ni Arevalo ang balitang nakubkob na ng Maute ang Amai Pakpak Hospital at may mga hawak na hostage ang grupo.
Wala rin aniyang katotohanan ang mga naglalabasang balita sa social media hawak na ng Maute ang Marawi City Hall.
Ang mga ito aniya ay pawang disinformation lamang at propaganda upang maengganyo ang mga dayuhang terorista na kilalanin ang Maute group.