Sa security briefing na isinagawa ng mga kalihim, sinabi ni Lorenzana na kasalukuyang nakararanas ng blackout ang buong Marawi ngayon.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga residente na manatili muna sa kani-kanilang mga tahanan.
Sa ngayon kasi aniya ay mga nakakalat nang snipers ng pamahalaan, kaya kung magpapakalat-kalat ang mga sibilyan ay baka mapagkamalan silang kalaban.
Kinumpirma rin ni Lorenzana na mayroon ngang mga pasilidad na sinunog ang teroristang grupo, at may ilang mga kabahayan ang nadamay sa sunog.
Nagdagdag na rin ng mga tropa ng gobyerno sa Marawi.
Malakas naman ang pananalig at tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte na kontrolado ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang sitwasyon sa naturang lugar.
Bagaman batid aniya nilang may kakayanan talaga ang Maute Group o ISIS na makapanggulo, tiniyak niyang kontrolado ng pamahalaan ang sitwasyon sa Marawi City.