Lumabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Ineng, hatinggabi ng Lunes, pero nagiwan ng matinding pagsira sa sektor ng imprastraktura at agrikultura, partikular na sa Hilaga, at Central Luzon.
Ngunit ayon kay Shaira Nonot, weather forecaster ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), patuloy na palalakasin ng lumabas na bagyo ang hanging habagat na makakaapekto sa kanlurang bahagi ng Luzon.
Makakaranas ang probinsya ng Bataan, Zambales, at Pangasinan ng malaks na ulan, na maaaring magdulot ng pagbaha, at landslide malapit sa mga kabundukan.
Samantala, patuloy na makakaranas ng mahina hanggang sa katamtamang buhos ng ulan ang Metro Manila ngayong araw ng Martes, ngunit unti unting gaganda naman ang panahon na, pagsapit ng Miyerkules.
Mahina hanggang sa katamtamang buhos din ng ulan, dulot ng habagat ang mararanasan ng mga residente sa Hilagang Luzon, hanggang bukas, araw ng Miyerkules.
Inaasahang sa Huwebes pa aayon ang panahon sa Hilagang Luzon, ayon sa PAGASA.
Maulap na papawirin, at mahina hanggang sa katamtamang buhos ng ulan, na may kasamang pagkulog at pagkidlat, ang mararanasan naman ng mga residente sa Kanlurang Visayas.
Kaunti hanggang sa katamtamang ulap naman ang inaasahang mararanasan sa natitirang bahagi ng bansa./Stanley Gajete