Paggamit ng e-cigarettes at vaporizers, balak kontrolin ng DOH
Bagaman hindi sakop ng nationwide smoking ban, target ng Department of Health (DOH) na maisailalim sa regulasyon ang paggamit ng mga electronic cigarattes at vaporizers.
Ayon kay Health Sec. Paulyn Ubial, maaring maglabas na lang sila ng hiwalay na kautusan kaugnay nito tulad ng isang Food and Drug Administration (FDA) order.
Aniya, sinimulan na ng DOH at FDA ang posibilidad ng paglalabas ng kautusan tungkol sa paggamit ng e-cigarettes at vaporizers.
Sa inilabas na Advisory No. 2013-008 ng FDA, inabisuhan nila ang publiko laban sa paggamit ng e-cigarettes dahil taliwas ito sa layunin na maihinto na ang paggamit sa sigarilyo.
Hindi naman maaring maipagbawal ang mga e-cigarettes at vapes sa Executive Order 26 ng pangulo kaugnay ng nationwide smoking ban, dahil hindi rin naman sakop ng Republic Act No. 9211 o Tobacco Regulation Act of 2003 ang mga ito.
Maari aniya itong magkaroon ng problema sa legalidad dahil pawang non-tobacco products ang mga e-cigarettes at vapes.
Sa nasabing EO ng pangulo, ipinagbabawal na ang paninigarilyo sa lahat ng outdoor o indoor na pampublikong lugar tulad ng paaralan, playgrounds, simbahan, transport terminals, waiting areas at mga resorts.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.