Tinatayang 3,000 sasakyan mula sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas ang magta-tagpo sa Davao City para magpakita ng suporta at kumbinsehin ang alkalde nito na si Rodrigo Duterte na tumakbo sa pagkapangulo sa darating na 2016 elections.
Sinimulan ng mga iba’t ibang grupong sumusuporta kay Duterte na ngayon ay tinawag na ang kanilang mga sarili na “Duterteristas” ang caravan sa Quirino Grandstand dalawang linggo na ang nakakaraan.
Dumating na sa Cagayan de Oro City ang mga kasapi ng Duterte for President campaign, samantalang ang mga kasapi naman sa caravan na nagsimula sa Maynila ay tatagpuin muna ang mga kapwa nila supporters sa mga piling bahagi ng Visayas bago dumiretso sa Mindanao.
Ayon naman sa pinuno ng Partido ng Demokratikong Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa Northern Mindanao, magtitipun-tipon muna sa Bukidnon ang mga kasapi sa caravan mula sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao at hihintayin ang iba pang mga supporters mula sa Visayas at Luzon bago sila tumungo ng sabay-sabay sa Davao City.
Regular din na hihinto ang caravan sa mga lugar na madadaanan nito para magpamigay ng mga stickers, baller IDs at T-shirts.
Una dito, nanawagan na rin ang dating pinuno ng PDP-Laban na si Sen. Aquilino Pimentel Jr. kay Duterte na ituloy na ang pag-takbo bilang presidente dahil maraming mamamayan ang sumusuporta sa kaniya.
Magiging buo aniya ang suporta ng partido sa kaniya sakaling tumakbo siya, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin sigurado si Duterte sa kaniyang desisyon.
Sa kabila nito, para kay Pimentel, malabong manalo ang maliit na partido katulad ng sa kanila, kaya kakailanganin nilang makipag-sanib pwersa sa mas malaking paritdo na may platapormang pareho ng sa kanila, tulad na lamang ng Nacionalista Party (NP).
Kinumpirma naman ni Sen. Ferdinand Marcos Jr. na isa sa mga stalwarts ng NP na nagkakaroon na nga ng mga pag-uusap sa pagitan ng mga pinuno ng NP at PDP-Laban tungkol sa posibleng alyansa ngunit hindi na siya nagbigay pa ng mga detalye.
Gayunpaman, posible rin aniyang mangyari na pareho ang suportahang pambato sa pagkapangulo ng dalawang partido sa 2016 presidential elections.
Bukas naman ani Marcos ang NP sa pakikipag-alyansa sa iba pang partido dahil sabi niya, isa lamang ang PDP-Laban sa mga maraming nakausap na nila./Kathleen Betina Aenlle
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.