Duterte, paiigtingin pa ang relasyon ng Pilipinas sa Russia at China
Muling iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang hangarin na paigtingin pa ang ugnayan ng Pilipinas sa Russia at China.
Sa isang panayam sa Russia Today, sinabi ni Duterte na hindi niya nilalabanan ang United States, ngunit nagbago na ang foreign policy ng Pilipinas.
Aniya, nais niyang makipagkasundo sa China at Russia dahil “double talk” ang Western world.
Ayon pa sa pangulo, nagbebenta ng armas ang Russia nang walang kundisyon, hindi gaya ng US na may mga kundisyon.
Noong nakaraang linggo, nilagdaan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang letter of intent ng isang Chinese state-owned firm para sa mga bibilhing kagamitang militar sa hinaharap.
Inaasahang lalagdaan din ni Duterte ang katulad na kasunduan sa kanyang pagbisita sa Russia ngayong linggo.
Ilang dekada na ring nagsusuplay ng mga armas sa Pilipinas ang US.
Noong May 2, ilang senador ng US ang naghain ng panukala na pagbabawalan ang pagpapadala ng armas ng US sa Pilipinas dahil sa libu-libong kataong namatay sa ilalim ng gyera ng administrasyong Duterte kontra droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.