Kinansela ng Department of Environment and Natural Resources ang permit ng Ipilan Nickel Corp. (INC) na pumutol ng ilang mga puno makaraang inspeksyunin ni DENR Secretary Roy Cimatu ang minahan ng kumpanya sa Brooke’s Point, Palawan.
Inilabas ni Cimatu at ni DENR-MIMAROPA Director Natividad Bernardino ang kautusan isang linggo bago mawalan ng bisa ang isang taong tree-cutting permit na inihain ng DENR-MIMAROPA.
Ayon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB), kanselado na ang Environment Clearance Certificate (ECC) ng INC noon pang December 14, 2016.
Dahil dito, dapat itinigil na ng kumpanya ang aktibidad nito kabilang ang pagputol ng mga puno.
Gayunman, iginiit ni INC Resident Manager Ferdinand Libatiqui ma legal ang kanilang pagputol ng mga puno dahil nakbinbin pa ang kanilang apela sa pagkakansela ng ECC nito.
Sinabi ni Libatiqui na tinatayang 7,000 puno ang pinutol nila sa 20 ektarya sa loob ng 353 ektaryang lupain sa Mineral Production Sharing Agreement na ipinagkaloob ng gobyerno.
Ipinahayag ni Cimatu na dapat harapin ng kumpanya ang mga kasong posibleng isampa laban dito.
Ikinatuwa naman ni Brooke’s Point Mayor Jean Feliciano ang hakbang ng Kalihim ngunit sinabing huli na ito dahil marami nang puno ang naputol.
Una nang nagbabala ang opisyal na maghahain siya ng reklamo dahil sa iligal na pagputol ng INC sa libu-libong puno sa kabila ng kanselasyon ng ECC nito, at kawalan ng permit ng lokalna pamahalaan ng Brooke’s Point.
Ipinahayag naman ng Global Ferronickel Holdings Inc., parent company ng INC. na itinigil na nito ang aktibidad noong May 15 bago pa man bumisita si Cimatu sa minahan.
Itinigil ng kumpanya ang aktibidad para bigyang-daan ang imbestigasyon ng Kagawaran.