2 bus terminals, nais ipasara ng MMDA

orbos mmdaInirekomenda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapasara sa dalawang bus terminals sa Quezon City dahil sa palyado nitong mga pasilidad.

Sa kaniyang liham sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), inireklamo ni MMDA general manager Tim Orbos ang terminals ng Roro Bus Transport Services Inc. sa South Road, at Dimple Star Transport sa Main Avenue na parehong nasa Brgy. Bagong Lipinan ng Crame.

Ayon kay Orbos, bigo ang parehong terminal na makapagbigay ng basic conveniences para sa mga pasaherong nagaabang na makasakay.

Wala aniyang mga maayos na upuan, konkretong sahig at maayos na bubong ang mga nasabing terminals.

Muli namang binanggit ni Orbos na sa tuwing nag-iinspeksyon sila, hindi lang ang pagsunod sa mga polisiya ang kanilang tinitingnan kundi pati ang pisikal na kundisyon ng mga terminal.

Nilinaw naman ni Orbos na ang pagpapasara sa mga bus terminals ay pansamantala lamang hanggang sa makasunod na ang mga oeprators nila sa mga rekisito ng LTFRB.

Babala pa ni Orbos, gagawin din nila ang ganitong hakbang sa iba pang mga pasaway at abusadong terminal operators sa mga susunod na araw.

Read more...