Kabuuang 127 ang nahuli ng MMDA na gumagamit ng kanilang mga cell phones at iba pang gadgets habang binabagtas ang mga bahagi ng EDSA.
Ayon sa MMDA, pinakamarami ang bilang ng mga nasitang nagmamaneho ng motorsiklo na umabot sa 89, na sinundan ng 25 drivers ng mga pribadong sasakyan, at limang drivers naman ng pampublikong sasakyan.
Nahuli ng MMDA ang mga pasaway na motorista sa pamamagitan ng kanilang no-contact apprehension policy.
Maraming motorista ang nalito sa mga bagong patakaran laban sa distracted driving, pero ayon sa Land Transportation Office (LTO) naging maganda ang unang araw ng implementasyon nito.
Ayon kay LTO executive director Vera Cruz, dahil dito, nalaman nila kung saan nalilito ang mga motorista, kaya naman maglalabas sila ng mga paglilinaw tungkol sa mga guidelines.
Paalala muli ng LTO, kung gagamit ng mga navigational apps tulad ng Waze, huminto muna sa tabi ng daan bago hawakan ang cell phone.
Kabilang sa mga bawal gawin habang nagmamaneho ay ang pagtanggap ng tawag, text, paglalaro ng games, pag-iinternet, o pagbabasa ng e-books.
Payo ng LTO, ilagay sa dashboard, likod ng manibela o sa may vent ng aircon ang cellphone at huwag sa windshield upang hindi maharangan ang line of sight ng driver, habang ang dashcams naman ay dapat nasa likod ng rearview mirror.