Ex-Sen. Jinggoy, pinayagang ipatingin ang nananakit na balikat

 

Inquirer File Photo | LYN RILLON
Inquirer File Photo | LYN RILLON

Lalabas muli pansamantala mula sa kanyang pagkakadetine ngayong araw ng Huwebes si dating senador Jinggoy Estrada.

Ito’y matapos payagan ng Sandiganbayan si Estrada na ipakonsulta sa pagamutan ang kanyang nananakit na kanang balikat.

Sa resolusyon ng Fifth Division ng anti-graft court, pinahintulutan nito ang ‘very urgent motion’ na inihain ng kampo ni Estrada noong May 11 na humihiling na ipa-check up sa ospital ang naturang karamdaman.

Gayunman, dapat ay sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan lamang ito magpapatingin at hindi sa iba pang ospital ayon sa kautusan ng korte.

Pahihintulutan din lamang ito na lumabas ng PNP Detention Center sa pagitan ng alas-12:00 ng tanghali hanggang alas 6:00 ng gabi o hanggang matapos ang mga medical examination at procedure sa pasyente.

Inatasan rin ng korte ang PNP na pangunahan ang pagbibigay ng kinakailangang seguridad at ipagbawal ang anumang uri ng communications equipment habang nasa labas ng kulungan ang dating mambabatas.

Taong 2014 pa nang madetine si Estrada dahil sa maanomalyang pagtanggap umano ng 183.8 milyon pisong kickback mula sa kanyang pork barrel funds.

Read more...