May-ari ng minahan sa Agusan, pinalaya ng NPA

 

Pinalaya na ng mga rebeldeng komunista kahapon ang isang operator ng small-scale mining matapos nila itong dukutin.

Ayon kay Ka Amihan na tagapagsalita ng New People’s Army (NPA) Front 14, wala silang nakalap na sapat na ebidensya para parusahan si Carson Ceasar Lademora dahil sa mga kasong may kinalaman sa counterinsurgency.

Hawak ng NPA si Lademora sa loob ng dalawang araw, at pinalaya na lang kahit walang tulong ng third party facilitators.

Bukod kay Lademora, dinukot rin ng mga rebelde ang kaniyang aide na si Leonardo Cacao noong Sabado matapos nilang salakayin ang mining tunnels ni Lademora sa Rosario, Agusan del Sur.

Pinakawalan nila si Lademora kay Rosario Mayor Jose Cuyos Sr., misis nitong si Vice Mayor Juvy Cuyos at Konsehal Belarmino Balagot sa isang lugar sa bayan ng Tagbina sa Surigao del Sur.

Samantala, itinanggi naman ni Amihan na ransom money ang dahilan kung bakit nila pinalaya si Lademora.

Aniya, dinakip at inimbestigahan nila si Lademora dahil sa mga masasamang ginawa umano ng ama nitong dating bahagi ng Philippine Constabulary na si Col. Carlos Lademora, na pinuno rin ng “Lost Command” sa mga mahihirap na naninirahan sa minahan.

Gayunman, wala aniyang record ang nakababatang Lademora kaugnay nito kaya hindi nila ito itinuturing na prisoner of war.

Read more...