Comelec, magpapaliwanag kaugnay sa stripping activity ng mga VCM at CCS noong nakaraang eleksyon

By Erwin Aguilon May 16, 2017 - 01:47 PM

Comelec bldgTiniyak ni Commission on Elections Chairman Andres Bautista na susunod sila sa utos ng Presidential Electoral Tribunal na magpaliwanag sa stripping activity sa mga vote counting machine at consolidation and canvassing system kasunod ng kahilingan ni Vice President Leni Robredo.

Sampung araw ang ibinigay ng PET na binubuo ng mga mahistrado ng Korte Suprema para tumugon ang Comelec sa nasabing kautusan.

Ang stripping activity ay tumutukoy sa pag-aalis ng mga back up card, modem at external batteries mula sa VCM at CCS o Consolidation and Canvass Units.

Ang proseso ay bahagi ng paghahanda para sa aktwal na pagsauli ng mga nirentahang makina sa Smartmatic.

Nauna nang itinakda ng Comelec ang stripping sa mga nagamit na CCS noong March 31, pero hindi ito natuloy dahil ang mga certificate na naka-install sa CCS USB token ay naexpire na noon pang Disyembre.

Nais ng Comelec na baguhin ang system date sa USB Token ng CCS at gawin itong Oktubre o Nobyembre 2016.

Pero nais ni Robredo na ipaliwanag ng Comelec kung maapektuhan ba ang ilang mga data na nasa mga CCS laptop kaugnay ng mungkahing pagbabago sa system date.

Si Robredo ay naghain ng counter electoral protest laban kay Dating Senador Bongbong Marcos.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.