Napoles, nasa Bicutan na

By Cyrille Cupino, Jay Dones May 16, 2017 - 05:04 AM

 

Kuha ni Cyrille Cupino
Kuha ni Cyrille Cupino

Nailipat na ng kulungan ang tinaguriang ‘Pork Barrel Scam Queen’ na si Janet Lim-Napoles.

Mula sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City, ibiniyahe si Napoles papunta sa Bureau of Jail Management and Penology detention facility sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig.

4:32 am nang dumating ang convoy ni Napoles dito sa Camp Bagong Diwa, patungo sa BJMP female dormitory.

Eksakto 4:42 am nang makapasok si Napoles sa gate ng Taguig City Male Dorm kung saan may daan patungo sa female dorm at reception area.

Nakasuot si Napoles ng bullcap at kulay puting jacket.

Bantay-sarado si Janet Lim-Napoles ng mga miyembro ng SWAT at Bureau of Corrections, at maging mga miyembro ng media ay pinagbawalang makalapit sa sinasakyang ambulansya ng tinaguriang Pork Barrel Scam Queen.

Matatandaang ipinag-utos ng Sandiganbayan First at Third Division ang agarang paglilipat ng kustodiya ni Napoles sa BJMP.

Tinabla ng anti-graft court ang hiling ni Napoles na mailipat ang kanyang kustodiya sa ilalim ng National Bureau of Investigation dahil sa umano’y mga banta sa kanyang buhay.

Batay sa ruling, ang isang akusado, tulad ni Napoles ay dapat ilipat kaagad sa pinaka-malapit na city jail.

Paliwanag ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, sa ilalim ng Republic Act 6975, mandato ng BJMP ang mangalaga sa kustodiya ng mga akusado na pending pa ang kaso sa korte.

May 8 nang magpalabas ng desisyon ang Court of Appeals na nagbabaliktad sa naunang hatol na ‘guilty’ ng Makati RTC para sa kasong serious illegal detention kay Benhur Luy.

Bagamat napawalang-sala na si Napoles sa kasong illegal detention, mayroon pa rin siyang kinakaharap na patung-patong na kaso ng plunder sa Sandiganbayan dahil sa pagkakasangkot niya sa diumano’y maanomalyang paggamit ng pork barrel nina Senators Bong Revilla, Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.