Cebu road rage suspect, pinayagan ng korte na makalabas ng bansa

By Kabie Aenlle May 16, 2017 - 04:17 AM

 

David-Lim-PhotoPinayagan ng judge sa Cebu City ang hiling ng Cebu road rage shooting suspect na si David Lim Jr. na makalabas ng bansa para sa isang linggong cruise kasama ang kaniyang pamilya sa Amerika at Canada.

Sa inilabas na kautusan ni Judge Alexander Acosta ng Regional Trial Court Branch 9, sinabi niyang wala namang problema sa hiling ng suspek basta’t babalik ito sa bansa para harapin ang kasong nakasampa laban sa kaniya.

Dagdag pa ni Acosta, ang nakasampang kaso naman laban kay Lim ay hindi nakakaapekto sa national security o public health, kaya maari pa ring pairalin ang kaniyang right to travel.

Gayunman, pinayagan lang si Lim na mag-abroad mula May 18 hanggang June 8, 2017.

Bago naman umalis, inatasan si Lim na maglagak ng bond na P300,000 sa korte, at magsumite ng certified true copy ng kaniyang valid passport.

Mahigpit ding ibinilin sa kaniya na dapat siyang pumunta sa korte sa loob ng tatlong araw pagbalik niya dito sa bansa.

Itinakda na rin ni Acosta ang arraignment ni Lim sa June 16.

Matatandaang si Lim ay nakasuhan ng frustrated homicide at illegal possession of ammunition matapos niyang paputukan ng baril si Ephraim Nuñal dahil sa away-trapiko noong March 19.

Nakalalaya ngayon si Lim dahil sa kaniyang inilagak na piyansa.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.