Bilateral consultations sa South China Sea, itinakda na

By Kabie Aenlle May 16, 2017 - 04:27 AM

Duterte Xi JinpingItinakda na sa May 19 ang bilateral talks ng Pilipinas at China tungkol sa isyu ng teritoryo sa South China Sea.

Kinumpirma ito mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte, na umaasang magiging matagumpay at mapayapa ang pagresolba sa isyu ng agawan ng teritoryo sa nasabing rehiyon.

Si Philippine Ambassador to China Jose Santiago Sta. Romana ang mamumuno sa Philippine team, habang ang magiging kinatawan naman ng China ay si Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua.

Sila din ang sumaksi sa pirmahan ng apat na memorandum of agreements sa pagitan ng China at ng Pilipinas.

Kabilang dito ang kasunduang may kaugnayan sa pagbibigay ng China ng grant sa RMB (Renminbi Yuan) 500,000,000 sa Pilipinas para sa feasibility studies sa mga malalaking proyekto tulad ng pagpapatayo ng rehabilitation center para sa mga lulong sa iligal na droga, at mga tulay na tatawid sa Pasig River pati na ang iba pang mga proyektong napagkasunduan ng Department of Finance at Ministry of Commerce ng China.

Gayundin ang kasunduan tungkol sa pagpapatibay ng kooperasyon ng dalawang bansa sa human resource development, at maging sa sektor ng kuryente at langis.

Kasama rin dito ang kasunduan ng Presidential Communications Operations Office ng Pilipinas at ng State Council Information Office ng China para sa “News and Information Exchange, Training and for Other Purposes.”

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.