Ibinunyag ni Volunteers Against Crime and Corruption chairman Dante Jimenez na tumaas ang bilang ng kaso ng tanim-droga sa hanay ng mga pulis sa buong Pilipinas.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Jimenez na pumalo na sa tatlumpu ang kaso ng tanim-droga sa bansa kung saan karamihan sa mga ito ay nasa Metro Manila.
Patuloy aniya nilang iniimbestigahan ang naturang bilang ng kaso.
“Ang nasabi lang namin ay sampu actually pero umabot na ng 30, and we’re validating all these,” ani Jimenez.
Sinabi din Jimenez na ang ibang naaresto dahil sa pagtatanim ng iligal na droga ay nadadamay lamang kapalit ng pera.
Bagaman suportado aniya nila ang kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga, umaasa ang VACC na ipagpapatuloy ng ang iba’t ibang law enforcement agencies ang cleansing laban sa mga scalawags sa kani-kanilang hanay.
“We are in support against illegal drugs however, we hope that the law enforcers, law enforcement agencies, the police, the NBI, PDEA, military, kailangan naman ay i-cleanse nila ang kanilang rank and file sa mga scalawags na tinatawag,” pahayag pa ni Jimenez.
Una nang inireklamo sa VACC ang hepe ng Mabalacat, Pampanga na si Supt. Juritz Rara at pinuno ng Drug Enforcement Unit na si Senior Insp. Melvin Florida dahil umano’y tanim-droga.
Dahil dito, sinibak na sa kanilang puwesto ang dalawa.