Oo, emosyonal ang usapin ng Balikbayan Boxes dahil sa ito ay pisikal na larawan ng ugnayan ng Pilipinong nag-sakripisyo na mapalayo sa kanyang mga mahal sa buhay upang maghanap-buhay sa ibang bansa. Kalakip ng mga iba’t ibang gamit na padala ni tatay, nanay, kuya, ate, pinsan, bayaw, bilas, tito, tita, at kahit kay best friend pa ay pag-alaala, pag-asa at pag-asam na isang araw muli silang magkikita-kita.
Habang siya ay malayo sa kanila, ang Balikbayan Boxes muna sa pagitan nila.
Ito ang hindi isinaalang-alang ng Bureau of Customs nang sabihin nilang bubuksan nila ang mga padalang Balikbayan Boxes ng mga OFWs. Oo’t nasa kanilang kapangyarihan at hindi labag sa batas ang “random opening” ng mga Balikbayan Boxes, ang paraan at ang dahilan kung bakit bigla ay ipapatupad ang paghihigpit na ito ay lalong nakakasugat sa damdamin ng mga kababayan nating nasa ibang bansa.
Una, naroon ang pagdududa na ginagamit ito sa pagpapadala ng mga ilegal na kontrabando, sinasamantala daw, nagagamit daw sa smuggling. Parang sa pamamagitan ng Balikbayan Boxes napapadala ang mga ilegal na kontrabando tulad ng ilegal na droga. Ganun nga ba ang tunay na daluyan at pamamaraan ng mga tunay at malalaking sindikato ng smugglers at mga grupong kriminal?
At teka, smuggling ba kamo? Kung sana’y tunay na seryoso at may malaking napatunayan ang BOC sa kampanya laban sa smuggling, wala sanang puna sa postura ng paghihigpit sa mga Balikabayan Boxes. Sa tingin ba naman ng BOC, kung nakikita ng sambayanan na tunay na hinahabol nila ang malalaking smugglers ng sasakyan, bigas at ng kung anu-ano pang maramihang mga kalakal na hindi nabubuwisan ng tama at naaayon, magiging ganito ba kalakas ang pagtutol ng mga kababayan nating naghahanap-buhay sa ibang bansa?
Sabi ni Customs Commissioner Bert Lina, wala ng urungan, ang batas ay batas. Kung matagal ng dapat ninyong ipatupad yan, bakit ngayon lang? Ang siste, dapat na magpasalamat sa kanya at sa wakas ay naipatupad na ang batas ng tamang pagbubuwis sa mga padala ng mga pangkaraniwang OFW?
Ilutin natin ang punto. Kung sana ay tunay na may pangil at talim ang kampanya ng BOC sa mga tunay na mapagsamantala at gahamang smugglers, anumang bagong polisiya o anumang dating polisiya na palalakasin ang pagpapatupad ay malugod na tatanggapin. Hindi iyon nakita sa ganoong punto dahil nga sa ang hayag ay ang tila proteksiyong nakapayong sa tunay na mga lumalabag sa batas.
Kung tunay na patas ang kampanya, maliit o malaki man, at karagdagang kita sa singiling buwis ang intensiyon at kung talagang seryoso itong ipinaliwanag muna , inilatag at nagturo ng tamang pamamaraan ng pagpapadala gamit ang Balikbayan Boxes, may pagtutol man, susunod at susunod.
Nakausap namin sa Radyo Inquirer si Susan Ople ng Ople Labor Center at isang kilalang tagapagtanggol ng mga Overseas Filipino Workers. Sabi sa amin ni Susan, nang i-trace nila kung paano nagsimulang talakayin ito ng BOC nito lamang August 19 sa porma ng isang babala, isang paalala. Hindi isang information campaign na matatawag kundi isang babala at paalala. Kasunod na ang anunsiyo ng gagawing “random opening” ng mga Balikbayan Boxes.
Kapansin-pansin na tila may pagmamadali. Kapansin-pansin ang timing. Ano ba ang meron? Ano ba ang madaliang kailangang paglaanan ng pondo? Ano ang kailangang tustusan nang agad-agad? At teka nga po, sino nga at aling sangay ba ng pamahalaan ang unang nag-tanggol sa hakbang na ito ng BOC? At ano nga ang sinabi ng opisyal na ito? Na ang kinikita naman daw ng mga OFW ay hindi direktang napupunta sa pamahalaan?
Hindi ako ang sasagot. Hindi ako magkukumahog sa konklusyon. Ngunit hindi bulag ang mamamayan lalo na ang mga kababayan nating dugo’t pawis at labis na pangungulila ang kapalit ng paghahanap-buhay sa ibang bansa, gagawin ang lahat makapag-padala lamang ng kapirasong bahagi ng mga bagay na nakikita nila at nararanasan sa malayong lugar, mga pirasong magpapaalala sa kanilang mahal sa buhay na sila ang kanyang inaalala.
Sa bawat Balikbayan Box na dumarating, ang kapalit, hindi matatawaran, hindi matutumbasan.
“Salamat ‘Tay!”
“I love you po Mama, salamat sa bagong shoes!”
“Kasya sa akin kuya ang t-shirt na padala mo, lab you!”
“Ate, salamat ha. May pang-porma na ako”.
Materyal na bagay, oo, may halaga, oo. Pero ang kasiyahan ng nagpapadala at ng tumatanggap ng mga nilalaman ng Balikbayan Boxes ang hindi matatawaran. Ito ang hindi matutumbasan. Iyon ang hindi nakita rito, at marahil hindi na makikita pa sa takbo ng pangangatwiran ng mga namumuno sa BOC. (wakas)