2 miyembro ng Abu Sayyaf, hinahagilap ng mga sundalo sa isang isla sa Bohol

Army-troops-on-Pangangan-Island-12-May-2017Pinaliligiran na ng mga sundalo ang Pangangan Island malapit sa bayan ng Calape sa Bohol, matapos magsumbong ang mga residente tungkol sa presensya ng dalawang miyembro ng Abu Sayyaf Group.

Dahil sa sumbong na ito, sinusuyod na ngayon ng mga otoridad ang limang ektaryang taniman ng bakawan sa isla sapagkat doon hinihinalang nagtatago ang mga bandido.

Isang binatilyo na residente ng Barangay Cahayag ang nagsumbong na may kumatok sa kanilang bahay noong Miyerkules, upang manghingi ng mga tirang pagkain.

Hindi aniya niya ito sinagot at hindi rin siya nagpakita sa kumakatok dahil natatakot siya, lalo na nang sabihin ng ibang mga tao na posibleng miyembro ng Abu Sayyaf ang kumatok sa kanila.

Ilang mga bata rin ang nagsabing nakakita sila ng dalawang lalaki na hindi pamilyar sa kanila, parehong payat at gula-gulanit ang mga suot na damit, habang ang isa sa kanila ay iika-ika maglakad.

Napansin rin ng mga residente ang isang bangka na nakatali sa mga bakawan na hindi pamilyar sa kanila ang disenyo.

Napag-alaman na ninakaw pala ito mula sa Barangay Liboron sa Calape, at posibleng ito ang ginamit ng mga bandido dahil nakita umano ng mga tao na sinakyan ito ng dalawang lalaki.

Ayon sa mga nakakita, ang isa sa kanila ay medyo kalbo at nakasuot ng sapatos, habang ang isa ay naka-tsinelas lamang, may nakabalot ng t-shirt sa kaniyang ulo at may bitbit na sagwan at sako.

Sa ngayon ay niroronda na ng mga tauhan ng Philippine Navy ang paligid ng isla upang mapigilan ang mga miyembro ng Abu Sayyaf na makatakas.

Read more...