Rekomendasyon ng UNHRC, ire-review pa ng pamahalaan

AFP photo
AFP photo

Ipinahayag ng delegasyon ng Pilipinas na tumungo sa Universal Periodic Review, na sisiyasatin nila ang mga rekomendasyong ibinigay ng mga miyembro ng United Nations Human Rights Council matapos ang kanilang presentasyon.

Ayon kay senior deputy executive secretary Menardo Guevarra, ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang maipaliwanag sa konseho ang kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

Aniya, ginagawa ito ng gobyerno para protektahan ang karapatan ng mas nakararaming Pilipinong nagdurusa sa hindi magandang kapalit ng pag-abuso sa iligal na droga.

Dagdag pa ni Guevarra, ire-review ng Presidential Human Rights Committee ang maraming rekomendasyon ng konseho at saka nila tutukuyin kung alin ang kanilang aaksyunan.

Ayon naman kay council spokesperson Rolando Gomez, nagbigay ng matinding mensahe ang international community sa pamahalaan ng Pilipinas.

Karamihan aniya sa mga ito ay partikular na tinukoy ang mga extrajudicial killings at arbitrary detentions kaugnay ng war on drugs ng pamahalaan.

May limampung bansa aniya ang naglabas ng pagkabahala kaya talagang sinasalamin nito ang opinyon ng marami.

Isang report ang binuo ng konseho na naglalaman ng 257 na rekomendasyon ng 95 na bansang miyembro nito, na nagpapahayag ng kanilang pagkabahala sa mga pagpatay.

Nasa kamay na lang aniya ng gobyerno kung tutuparin nito ang ipinangako ng mga kinatawan ng Pilipinas sa kanilang report.

Samantala, inatasan rin ang Pilipinas na magbigay ng mas malinaw na posisyon sa kanilang report na ipipresenta sa susunod na sesyon sa Setyembre.

Read more...