Pagsakal kay Laude, inamin ni Pemberton sa korte

11910611_10207939754397638_2087538443_n(1)
Kuha ni Erwin Aguilon

Isinalaysay ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton ang nangyari noong gabi ng October 11, 2014 sa kaniyang pagharap sa korte sa pagdinig ngayong araw.

Sa kwento ni Pemberton, bilang bahagi ng kaniyang ‘liberty time’ nagtungo siya sa mall at saka nag-bar hopping.

Matapos ang bar hopping, muli siyang bumalik sa mall at nagtungo sa Ambyanz Resto Bar kung saan niya nakilala ang tinukoy niyang ‘dalawang babae’, isa umano doon si Jennifer Laude.

Ayon kay Pemberton sumama sa kanya sa Cellzone Lodge ang dalawang babae pero bago umalis ang isang babae na hindi tinukoy ni Pemberton ang pangalan ay nakaroon umano sila ng ‘oral sex’.

Matapos ito, sinabi ni Pemberton na umalis ang isang babae at naiwan silang magkasama ni Laude.

Ikinwento ni Pemberton na habang nangyayari ang oral sex sa pagitan nila ni Laude, ay natuklasan niya na pareho sila ng ari. Doon na nagsimulang magalit si Pemberton.

Itinulak umano niya si Laude pero gumanti ito at sinampal siya. Dito na sinakal ni Pemberton si Laude at nang mapansing hindi na ito gumagalaw, ay kinalakadlad niya ito patungo sa CR upang buhusan ng tubig para umano mahimasmasan.

Pero dahil wala aniyang tubig sa CR, ay iniwan na lamang ni Pemberton si Laude.

Si Laude ay natagpuang patay na nakasubsob sa toilet bowl ng nasabing hotel./ Erwin Aguilon

Read more...