Tiniyak ng mga otoridad na ligtas pa rin sa mga turista ang Puerto Princesa Subterranean River National Park sa Palawan.
Ito ay sa kabila ng inilabas na travel advisory ng US kung saan nakasaad na nakatanggap sila ng ‘credible information’ na posibleng mangidnap ang mga terrorist group sa Palawan anumang oras.
Ayon kay Subterranean River National Park Supt. Elizabeth Maclang, nakaalerto ang kanilang hanay at handa silang tiyakin na ligtas ang lugar sa kabila ng abiso ng Amerika.
Nakapuwesto na din aniya ang mga tourist police sa lahat ng entry at exit points sa paligid ng world-famous underground river sa lalawigan.
Sa ngayon, ani Maclang, wala pa silang natatatanggap na anumang banta ng terorista.
Ikinagulat aniya nila ang ipinalabas na travel advisory ng US Embassy sa Maynila.
Sa naturang travel advisory, nakasaad din na posibleng maging target ng panginginidnap ang mga dayuhang dumadayo sa sikat na tourist destination.
Itinuturing na top tourist destination ang Subterranean River sa Palawan at karamihan sa mga dayuhan na dumadayo dito ay mga Amerikano.
Tiniyak din ni Maclang na walang dapat ipangamba sa seguridad sa naturang tourist destination.