US citizens, pinag-iingat sa pamamasyal sa Palawan dahil sa banta ng kidnapping
Nagpalabas ng panibagong travel advisory ang US embassy sa Maynila para sa kanilang mga citizens na nagsasabing dapat na mag-ingat ang mga ito sa pagtungo sa lalawigan ng Palawan.
Batay sa inilabas na travel advisory ng US embassy na ipi-nost nito sa kanilang website nitong May 9, isinasaad na nakatanggap sila ng ‘credible information’ na posibleng maglunsad ng kidnapping activities ang mga terrorist groups sa Palawan anumang oras.
Posibleng maging target ng mga pagdukot ang mga dayuhang dumadayo sa sikat na tourist destination.
Kabilang sa mga lugar na posibleng targetin ng mga kidnap at terrorist groups ang Puerto Princesa City at ang mga lugar sa paligid ng Puerto Princesa Subterranean River National Park.
Dahil dito, inaabisuhan ang lahat ng mga US citizens na mag-ingat sa pagtungo sa lalawigan at umiwas sa mga matataong lugar.
“The U.S. Embassy has received credible information that terrorist groups may be planning to conduct kidnapping operations targeting foreign nationals in the areas of Palawan Province, Philippines, to include Puerto Princesa City, and the areas surrounding Puerto Princesa Subterranean River National Park. U.S citizens are advised to carefully consider this information as they make their travel plans and to review personal security plans, avoid large crowds and gatherings, and remain vigilant at all times.” Laman ng travel advisory.
Ipinaalala rin ng travel advisory ang umiiral na Worldwide Caution na inilabas ng Amerika sa kanilang mga citizens noong March 6 na nagsasabing umiiral pa rin ang banta ng terorismo sa ibayong dagat, kabilang na ang Pilipinas.
Matatandaang noong April 9, nagpalabas ng travel warning ang Amerika sa kanilang mga citizens sa Central Visayas kabilang na ang lalawigan ng Cebu at Bohol dahil sa banta ng terorismo at pagdukot ng mga terror groups.
Makalipas ang ilang araw, nakaengkwentro ng tropa ng pulisya ang grupo ng Abu Sayyaf sa Inabanga, Bohol kung saan napatay ang sub-leader ng grupo na si Abu Rami at ilan pang mga tauhan nito.
Isang pulis at tatlong sundalo rin ang napatay sa unang engkwentro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.