Nahaharap sa panibagong kaso ng tax evasion ang kumpanyang Mighty Corporation sa Department of Justice (DOJ).
Naghain ng kasong kriminal sa DOJ kahapon ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa may-ari at mga opisyal ng nasabing local cigarette manufacturer.
Ito ay dahil sa umano’y pag-iwas nitong magbayad ng P26.93 bilyong halaga ng excise tax sa pamamagitan ng paggamit ng mga pekeng tax stamps sa kanilang mga produkto.
Ito na ang pinakamalaki sa lahat ng 23 kaso ng tax evasion na inihain ng BIR mula sa umpisa ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon.
Kabilang sa mga kinasuhan ay ang may-ari ng kumpanya na si Alexander Wongchuking, pati na presidente na si Edilberto Adan, executive vice president Oscar Barrientos at ang kanilang treasurer na si Ernesto Victa.
Kinasuhan sila ng paglabag sa mga Section 263 at 265(c) sa RA No. 8424 o ang National Revenue Code of 1997.
Wala pang dalawang buwan ang nakakalipas nang huling magsampa ng parehong kaso ang BIR sa DOJ laban sa Mighty Corporation dahil naman sa kabiguan nitong bayaran ang kanilang P9.6 bilyong excise tax.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.