Kamara aminado na mauubos ang oras sa pagtalakay sa mga impeachment complaints

congress1Mismong si House Speaker Pantaleon Alvarez ang umanin na hindi kaya ng Kamara na talakayin at tapusin nang sabay-sabay ang tatlong impeachment complaints.

Ito ay ang magkakahiwalay na reklamo laban kina Pangulong Rodrigo Duterte, Vice President Leni Robredo at Ombudsman Conchita Carpio-Morales.

Paliwanag ni Alvarez, masyadong maikli ang panahon ng Kamara lalo’t nalalapit na ang sine die adjournment ng Kongreso o pagtatapos ng 1st Regular Session sa June 2.

Maliban dito, sa muling pagbubukas ng sesyon sa Hulyo ay aatupagin naman ng Kamara ang pagbusisi sa 2018 Proposed National Budget na tatagal aniya hanggang Nobyembre.

Sa kabila nito, sinabi ni Alvarez na unang aaksyunan ang impeachment complaint laban kay Duterte.

Kinumpirma rin ni Alvarez na nasa kanyang tanggapan na ang kopya ng impeachment complaint laban kay Robredo, dahil hinihiling umano ng mga complainant ang endorsement.

Kinausap na rin siya ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC para ipa-endorso ang impeachment complaint kontra kay Carpio-Morales.

Nilinaw naman ni Alvarez na pinag-aaralan pa niya ang dalawang reklamo at wala pa siyang desisyon kung i-eendorso ang alinman sa mga ito.

Read more...