Batay sa inisyal na impormasyon, apat na pulis ang nasugatan sa naturang insidente, kung saan tatlo sa mga ito ang nagtamo ng malubhang sugat.
Ayon kay Senior Supt. Agustin Tello, Maguindanao police provincial director, isang hindi pa nakikilalang lalaki ang naglagay ng improvised explosive device o IED sa kalsada na dinaan ng patrol car ng mga sugatang pulis.
Pinaniniwalaang ginamit ang isang cellphone bilang triggering mechanism para mapasabog ang naturang bomba.
Nakilala ang mga biktima na sina SPO2 Mohammad Ampatuan, PO3 Ali Malok, PO3 Harim Ampatuan at PO1 Norodin Olympain.
Pero ayon sa Philippine National Police-Public Information Office (PNP-PIO), tatlo lamang na pulis ang sugatan sa naturang insidente.
Sinabi ni Tello na naganap ang pagsabog sa harap mismo ng Rajah Buayan public market at isang paaralan, pero wala naman sibilyan na nasugatan.
Paniniwala ni Tello, ang naturang pagpapasabog ay isinagawa ng mga sindikato ng droga na nag-ooperate sa Rajah Buayan bilang paghihiganti sa pagkamatay ng isang big-time drug peddler noong nakaraang linggo.