‘Pipe bomb na ginamit sa Quiapo blast, hindi kayang gawin ng ordinaryong tao’ – Gen. Boogie Mendoza
Dapat ay magsagawa ng malalimang imbestigasyon ukol sa kung sino ang nasa likod ng naganap na mga pagsabog sa Quiapo, Maynila kamakailan.
Ito ang naging pahayag ni Philippine Institute for Peace, Violence and Terrorism Research President at Retired Gen. Rodolfo Boogie Mendoza.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Mendoza na hindi ordinaryong tao ang nagsagawa ng pambobomba sa Quiapo kung saan isang pipe bomb ang ginamit.
Ang pipe bomb aniya ay isang hindi pangkaraniwang delivery system ng pambobomba na hindi magagawa ng isang ordinaryong tao.
“Ang pipe bomb ay isang hindi ordinaryo na delivery system ng pambobomba. May sangkap po yan na explosives, pwedeng high or low explosives. Ayon sa nalalaman natin na pagbuo ng bomba ay hindi angkop ang isang low explosive sa isang pipe bomb,” ayon kay Mendoza.
Sinabi din ni Mendoza na ang naturang insidente sa Quiapo ay maituturing na isang act of terrorist attack.
Paliwanag ng dating heneral, kung pagbabatayan ang mismong akto, malinaw na isa itong terrorist attack.
Pero ang nangyayari aniya ay ibinabatay sa traditional na pananaw ng ibang national security officers, kung saan ang gumagawa lamang ng isang terrorist act ay isang terrorist organization.
“Yung act itself na pagpapasabog ay isang act of terrorist attack. Yung akto, yung action ay definitely isang terrorist attack. Pero ang palaging nasa mindset ng ibang national security officers ay batay sa traditional na pananaw na dapat ang gumawa ng terrorist act ay isang terrorist organization,” pahayag ni Mendoza.
Kung pagbabatayn naman ang Human Security Act ng Pilipinas, ang isang tao na magsasagawa ng terrorist attack ay hindi naman kinakailangan na galing sa isang terrorist organization.
“Batay sa human security act natin, ang isang volunteer na tao na magsasagawa ng act of terorrism ay not necessarily galing sa terrorist organization,” ani pa ni Mendoza.
Naniniwala si Mendoza na ang taong gumawa ng ginamit na bomba sa Quiapo ay malalim ang kaalaman sa paggawa ng IED o improvised explosive device.
Giit pa ng heneral na ang ginamit na pampasabog sa Quiapo ay hindi kayang gawin ng ordinaryong tao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.