Apat na milyong piso, ibinigay sa mga nagturo sa Abu Sayyaf members sa Bohol
Tulad ng ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte, tumanggap ng pabuya ang mga taong nagturo sa kinaroroonan ng mga miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Bohol.
Ayon sa Presidential Communications Office, kabuuang apat na milyong piso ang ibinigay ng pamahalaan sa mga tipster.
Hindi naman na tinukoy ang pagkakakilanlan ng mga taong nakatulong sa pagtunton ng mga otoridad sa mga bandido para proteksyunan ang kanilang seguridad.
Matatandaang sinabi noon ni Pangulong Duterte na handa siyang magbigay ng isang milyong pisong pabuya sa bawat makapagtuturo sa bandidong Abu Sayyaf na nagtatago sa Bohol.
Kamakailan ay napatay ng mga pulis sa Bohol ang naarestong Abu Sayyaf na si Saad Samad Kiram alyas Abu Saad matapos magtangkang takasan ang mga otoridad.
Naaresto si Saad matapos ipagbigay alam ng isang residente sa mga otoridad na nanghingi sa kanila ng pagkain ang bandido.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.