Balik na naman ang mahabang pila sa Immigration counters sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa kakulangan ng immigration officers na naka-duty.
Ito ay kahit pa nangako na noong nakaraang buwan ang mga immigration officer kay Manila International Airport Authority Manager Ed Monreal na magiging sapat na ang mga papasok na immigration personnel para maiwasan na ang pagkakaantala ng operasyon sa paliparan.
Nagsimula ang naturang problema sa NAIA immigration counters matapos ipatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng overtime pay sa mga immigration officers.
Ayon kay Port Operations Division head Red Mariñas, marami sa kanilang tauhan ang naghahanap na ng extra jobs para matugunan ang kakulangan sa kanilang income.
Una na aniyang ipinangako sa kanila ng Malacañang na pamamadaliin ang proseso sa Immigration Act na magtataas sa sahod ng mga immigration officer, pero hanggang ngayon aniya ay nananatili itong pangako.
Sinabi din ni Mariñas na ang trabaho ng isang immigration officer ay kabilang sa mga delikadong trabaho sa mundo.
Araw-araw aniyang nakakasalamuha ng immigration personnel ang iba’t ibang klase ng tao, nang walang katiyakan kung ang isa ba sa mga ito ay terorista.