12-anyos na batang babae sa UK, naungusan ang IQ nina Einstein at Hawking
Isang 12-anyos na batang babae na may lahing Indian sa England ang nakakuha ng mas mataas na puntos sa British Mensa IQ test, kumpara sa mga henyong sina Albert Einstein at Stephen Hawking.
Ayon sa report ng The Times of India, dumalo sa British Mensa IQ Test si Rajgauri Pawar at nakakuha ng iskor na 162.
Ito umano ang pinakamataas na IQ na posibleng makuha ng isang tao na ang edad ay mas mababa sa 18 taong gulang.
Dalawang puntos itong mas mataas kumpara kina Einstein at Hawking.
Si Pawar na mula sa Cheshire county ay kabilang sa one percent na nakakuha ng “maximum mark,” dahil ang “genius” benchmark ay nasa 140 points lamang.
Isa rin siya sa nasa 20,000 katao sa buong mundo na nakakuha ng score na 162.
Ayon kay Pawar, medyo kinabahan siya bago ang pagsusulit, pero nakayanan naman niya at natutuwa siyang maganda ang kaniyang nakuhang resulta.
Dahil dito, naimbitahan na si Pawar na makasama sa British Mensa IQ Society bilang kanilang miyembro.
Nagpasalamat naman ang kaniyang ama sa mga guro ni Pawar sa pagbibigay ng walang sawang suporta sa kaniyang anak sa paaralan.
Nag-aaral si Pawar sa Altrincham Grammar School for Girls, na labis ring natuwa sa resulta ng IQ test niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.