Mga kongresista at senador, binatikos ang pag-iinspeksyon ng BOC sa mga balikbayan boxes
Nakatakdang maghain ng isang resolusyon sina Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares at Carlos Zarate para paimbestigahan ang panukala ng Bureau of Customs na mas mahigpit na inspeksyon sa mga balikbayan box.
Ayon kina Colmenares at Zarate, nakatanggap sila ng napakaraming reklamo hinggil sa panukala ng BOC.
Kalat na rin anila sa social media ang pagkontra at pagkadismaya ng publiko, lalo na ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs na maaapektuhan ng hakbang ng BOC.
Katwiran ni Colmenares, habang sangkaterbang basura at mga smuggled na kontrabado ang napakadaling nakakapasok sa Pilipinas, mistulang ang tinatarget naman ng BOC ay ang mga OFW na nagpapadala ng pasalubong sa kani-kanilang mga kaanak.
Hamon ni Colmenares sa BOC, sa halip na i-harrass ang mga OFW, mas marapat na solusyunan ang talamak na kurapsyon sa ahensya at habulin ang mga big time smugglers.
Sa panig naman ni Zarate, kung itutuloy ng BOC ang panukala, posibleng maging ‘source’ o gatasan lamang aniya ito ng mga tiwaling opisyal sa loob ng ahensya.
Bukod dito, babagal aniya ang proseso sa BOC at maaaring magpalala sa congestion sa mga port.
Samantala sa senado, pinakaklaro ni Senador Cynthia Villar sa BOC ang nasabing panibagong direktiba dahil aniya, hindi na nadala ng ahensya sa reklamo ng mga OFWs sa mabagal na pagdating ng mga balikbayan boxes dahil sa port congestions.
Hindi rin aniya sapat ang rason ng ahensya na ginagamit ng mga smugglers ang balikbayan boxes para sa pagpapadala ng mga kontrabando, kaya sa halip na paginitan ang mga ito, palakasin na lang aniya dapat ng BOC ang kampanya laban sa smuggling.
Apela naman ni Sen. JV Ejercito sa BOC, huwag nang patulan ng BOC ang balikbayan boxes dahil ang laman ng mga ito ay kapalit ng pagod, pawis, luha, sakripisyo at lungkot sa matagal na pagkawalay sa kani-kanilang mga pamilya.
Pinaiimbestigahan na rin ito ni Sen. Grace Poe sa senado at sinabing maghahain siya ng resolusyon para imbitahan at pagpaliwanagin si BOC Commissioner Bert Lina.
Malinaw aniya na palpak ang BOC sa paglaban sa smuggling kung kaya magsasagawa pa ito ng mano-manong pagbubukas ng mga kahon.
Dagdag pa ni Poe, magiging oportunidad lamang ito para lumala ang kurapsyon sa BOC, at na hindi ang maayos na pagtrato sa ating mga bagong bayani.
Una rito, umangal na rin ang mga OFWs sa paniningil ng airport authorities sa terminal fees.
Tinataya ring umaabot sa 26-bilyong piso ang nagiging remittances ng mga OFWs sa bansa kada taon./Isa Avendano-Umali, Chona Yu
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.