Mga intelligence agencies, pinagpapaliwanag ni Pimentel sa Quiapo blast

 

Kuha ni Cyrille Cupino
Kuha ni Cyrille Cupino

Pinagpapaliwanag ni Senate President Koko Pimentel ang mga intelligence officials ng pamahalaan at maging ng NBI kung bakit nakalusot ang mga insidente ng pambobomba sa Quiapo, Maynila, Sabado ng gabi.

Sa isang statement, iginiit ni Pimentel na malaking pera ang inilalaan ng gobyerno sa mga intelligence agencies kaya’t walang dahilan upang hindi matunugan ang mga ganitong insidente.

Kung hindi man aniya mapigilan ang mga pambobomba, dapat ay sikapin ng mga ito na agad na matukoy at madakip sa lalong madaling panahon ang mga salarin.

Kung kinakailangan aniya, handa siyang ipatawag ang mga pinuno ng mga ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa intelligence gathering upang alamin kung kailangan ng mga ito ng karagdagang pondo at training.

Gayunman, bago pa man mabigyan ng dagdag pondo, kailangan munang ipakita muna ng mga ito kung saan napupunta ang bilyong pisong pondo na intelligence funds at magbigay ng lehitimong dahilan kung bakit naganap ang pagsabog sa Quiapo.

Noong Sabado, dalawa katao ang nasawi samantalang anim ang nasugatan sa kambal na pagsabog sa Quiapo, Maynila.

Read more...