JPE TINIK SA PALASYO, LP ni Jake Maderazo

jake 2MATAPOS ang higit isang taong hospital arrest sa Kampo Crame dahil sa kasong plunder at graft, babalik trabaho ngayong umaga sa Senado si Juan Ponce Enrile. Marami ang nag-aabang kung ano ang una niyang gagawin. Tatayo ba siya para mag-privilege speech o mananahimik na lang hanggang sa Mayo 2016?

Ikukwento ba niya ang kanyang bersyon sa walang tigil na batikos na siya ay corrupt at pagbulsa sa PDAF na P172 milyon at paggamit sa kanyang chief of staff na si Atty. Gigi Reyes bilang kanyang dummy? Magpapasalamat kaya siya sa Korte Suprema na bumoto ng 8-4 para siya ay makapagpiyansa ng P1.45 milyon at makalaya?

Kung susuriin, windang na windang talaga ang Palasyo sa nangyari. Sino ba ang naging palpak dito? Ang DOJ, Ombudsman, o Sandiganbayan? O may kinalaman ba ang mga Amerikano, si PGMA at iba pang “outside lobby” kaya’t umaksyon ang mayorya sa Korte Suprema?

Sa huling SONA ni PNoy, ginawa pa nga niyang “trophy” sa talumpati ang pagpapakulong kay Enrile, PGMA at iba pang mga “kampon ng kurakot” na nilalabanan daw ng Tuwid na Daan.

Ngayon, pinag-aaralan daw ni PNoy ang buong teksto ng desisyon ng Korte. Simula na kaya ito ng pag-atake ng administrasyon at LP sa walong associate justice na pumabor dito? Ito namang sumalungat na mga mahistrado, nagbulgar na parang “forcing through” daw ang nangyari, lalo pa’t sa halip na pag-usapan ang legal na aspeto ng kaso ay dinaan sa “humanitarian” ang tema ng “majority decision.” Isang bagay na mapanganib daw sa ating batas, tulad na rin ng sabi ni DOJ Sec. Leila de Lima.

Sa kabuuan, masalimuot ang nakikita kong mangyayari sa PNoy administration lalo pa’t halos siyam na buwan na lang at eleksyon na. Si Enrile ay nagsilbing Senate President noong panahon ni PGMA at tatlong taon din kay PNoy. Nag-resign siya noong June, 2013 para unahan ang kudeta ni Senate Franklin Drilon. Umupo bilang Senate Minority Leader, nanahimik siya sa pagbatikos sa administrasyon sa pag-asa marahil na di siya gagalawin pero ikinulong pa rin sa kasong plunder at graft noong July, 2014.

Huling termino na ni Enrile bilang senador sa 2016, at kasabay niyang bababa sa pwesto ang Tuwid na Daan sa 2016.

Matapos maparusahan at makalusot sa sariling paraan, tutuntong siyang muli sa Senado. Ito ay sa kabila ng pag-aakala ng kanyang mga kalaban at kritiko na mabubulok o kaya’y mamamatay na siya sa kulungan dahil sa kasong kinakaharap.

Hinihintay ng tao ang kanyang mga bibigkasin, lalo pa’t siya ang ang magiging tinig ng oposisyon. Matatandaang naging president siya ng Senado at naging malaki ang papel sa kontrobersyal na “impeachment trial” ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona na binagyo ng DAP, bukod pa sa maraming sensitibong isyu tulad ng taunang “national budget” kung tumanggap siya noon ng mga derektang utos mula kay PNoy. Ngayong nakalaya siya kahit walang tigil ang pagdiin ni PNoy, mahirap maniwalang mananahimik na lang siya laban sa Malacanang. Ang mabigat pa rito ay maraming sikretong alam si Enrile na magiging importante sa pagpili ng taumbayan kung tutuloy ba o kakalusin na nila ang Tuwid na Daan.

At ang malaking mga kwestyon na ito ay sasagutin ng kontrobersyal na senador sa kanilang sesyon mamaya at sa mga susunod pang mga araw.

Read more...