Bagyong Ineng nakalabas na ng bansa; habagat patuloy na magpapa-ulan
Nakalabas na ng bansa kaninang hating-gabi ang bagyong Ineng.
Sa kabila nito sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services (PAGASA), patuloy na makararanas ng pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa dahil sa habagat.
Sa abiso ng PAGASA, ang malakas na pag-ulan na hatid ng habagat ay mararanasan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, MIMAROPA, mga lalawigan ng Cavite, Batangas, Zambales at Bataan.
Babala ng PAGASA ang malakas na buhos ng ulan sa nasabing mga rehiyon at mga lalawigan ay maaring makapagdulot ng flashfloods at landslides.
Ang Metro Manila, Cagayan Valley, nalalabing bahagi ng Central Luzon at nalalabing bahagi ng CALABARZON ay ay makararanas pa rin ng kung minsan ay malalakas na buhos ng ulan.
Ayon sa PAGASA, tatagal pa hanggang sa Miyerkules o Huwebes ang epekto ng habagat sa bansa kahit nakalabas na ng PAR si Ineng.
Samantala alas 5:24 ng umaga, itinaas ng PAGASA ang thunderstorm advisory sa mga bayan ng San Narciso, San Felipe at San Antonio sa Zambales at sa mga bahagi ng Bulacan, Bataan, Pampanga at Cavite./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.