Agnes Callamard nanindigan na alam ng gobyerno ang pagpunta niya sa Pilipinas
Alam ng gobyerno ng Pilipinas ang kanyang pagbisita sa bansa.
Reaksyon ito ni UN Special Rapporteur on extrajudicial, summary, or arbitrary executions Agnes Callamard sa pahayag ng Malacañang na walang abiso ang pagdating niya ng Pilipinas.
Sa isang statement, iginiit ni Callamard na noong April 28 ay nagsabi na siya ng kanyang nalalapit na pagdating sa bansa para sa isang academic conference kaugnay ng usapin sa iligal na droga.
Nag-abiso din aniya siya na hindi naman “official visit” ang kanyang gagawin.
“On 28 April 2017, the Government was officially informed of my forthcoming visit to the country to take part in an academic conference on drug related issues. The Government was also informed that the trip was not an official visit,” ayon sa statement ni Callamard.
Dagdag nito na in-acknowledge naman ng gobyerno ang kanyang pasabi sa pamamagitan ng liham na may petsang April 29 at May 1, 2017.
Muling binigyang diin ng UN Special Rapporteur na dahil hindi naman opisyal ang pagdalaw niya sa bansa, kaya hindi naman niya susuriin o iimbestigahan ang human rights situation at wala din aniya siyang ilalabas na report sa United Nations.
Nauna nang nagpahayag ng pagka-dismaya ang palasyo sa presensya ni Callamard na kilalang kritiko ng kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.