Mga nasawing tauhan ng PAF sa Tanay, pinarangalan

(Photo from the Defense Press Corps)
(Photo from the Defense Press Corps)

Binigyang parangal ng Philippine Air Force ang kanilang mga tauhan na nasawi sa pagbagsak ng helicopter sa Rizal kamakailan.

Bago ang nakatakdang pagdadala sa kanilang mga bangkay sa kani-kanilang mga inuuwiang lugar, binigyan ng departure honors ang mga sundalo sa Villamor Air Base kahapon.

Matatandaang tatlong tauhan ng Air Force ang nasawi sa pagbagsak ng UH-1D helicopter sa Tanay, Rizal noong Huwebes matapos ang training nila ng disaster response sa Camp Capinpin.

Dinala ang piloto ng helicopter na si Capt. Christian Paul Litan sa Batangas, habang si Aitman 1st Class Joseph de Leon naman ay dinala sa Lingayen, Pangasinan sa pamamagitan ng Huey helicopters.

Ang nasawing crew chief naman na si Staff Sgt. Bryon Tolosa ay mula sa Barangay Villamor sa Pasay City.

Ayon kay Air Force spokesperson Col. Antonio Francisco, nagpapatuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon tungkol sa aksidente.

Dahil dito, hindi pa siya makapagbibigay ng konkretong resulta o detalye ng kanilang inisyal na imbestigasyon.

Read more...