Imbestigasyon sa pagkamatay ng naarestong Abu Sayyaf member sa Bohol, ipinag-utos ng PNP

dela-rosa21Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang imbestigasyon sa pagkamatay ng Abu Sayyaf member na si Saad Samad Kiram alyas Abu Saad sa gitna ng pagtangka nitong tumakas sa mga otoridad.

Kaninang madaling araw ay napatay si Saad dahil sa pagtatangkang makatakas sa mga otoridad habang inililipat sa Bohol District Jail.

Ayon kay Region 7 police director Chief Supt. Noli Taliño, nagbigay ng utos si Dela Rosa na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa naturang insidente.

Sinabi ni Taliño na normal procedure din ito kung kaya agad niyang inatasan ang provincial director ng Bohol na isagawa ang naturang imbestigasyon.

Si Saad ang isa sa mga Abu Sayyaf member na nagtago sa lalawigan ng Bohol noon pang buwan ng Abril, bago maaresto.

Ayon kay Bohol Provincial Office Senior Police Supt. Felipe Natividad, tinangka ni Saad na tumakas bandang alas dos ng madaling araw ng Biyernes habang inililipat sa Bohol District Jail mula sa Bohol Provincial Police Office kung saan siya pansamantalang nakadetine para sa tactical interrogation.

Hindi naman masabi ni Taliño kung ilang police escorts ang kasama ni Saad habang ibinabiyahe ito sa BDJ. pero aniya nasakay ang mga ito sa dalawang kotse kasama ang ilang tauhan ng Special Weapons and Tactics.

Kinailangan aniyang ilipat si Saad sa BDJ dahil wala naman detention facility sa BPPO.

Read more...