‘Unannounced’ visit ni UN Rapporteur Agnes Callamard, ikinadismaya ng Palasyo

abellaNabastusan ang Palasyo ng Malakanyang sa ginawang pagbisita sa bansa ni United Nations Special Rapporteur Agnes Callamard.

Si Callamard ang opisyal na isa sa mga unang bumatikos sa anti drug war campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil nauwi na umano sa extra judicial killings ang kampanya.

Ayon kay Presidential spokesman Ernesto Abella, bilang isang opisyal ng UN, bahagi ng protocol ang pakikipag-ugnayan sa gobyerno.

Nakadidismaya ayon kay Abella, dahil malinaw na ang hindi pag aanunsyo ni Callamard na pupunta sa Pilipinas ay senyales na wala itong intensyon na kumuha ng objective na pananaw at kunin ang panig ng gobyerno sa kinukwestyung anti drug war campaign.

Matatandaang Setyembre 26, nagpadala ng imbitasyon ang Palasyo kay Callamard para papuntahin sa Pilipinas ang UN Rapporteur at magsagawa ng imbestigasyon sa anti drug war campaign subalit hindi umano sumagot si Callamard.

Sinabi pa ni Abella na mayroon ngayong Philippine delegation sa Geneva, Switzerland para idiga ang hakbang ni Callamard sa United Nations Commission for Human Rights.

Pero mistula aniyang sinalisihan ni Callamard ang Philippine delegation.

Read more...