Crime rate sa bansa, bumaba sa 45% sa Duterte admin
Patuloy na bumababa ang bilang ng mga naitatalang krimen sa bansa sa ilalim ng Duterte administration.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Chief Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), bumaba na sa 45 percent ang crime rate na naitala sa bansa sa loob ng nagdaang walong buwan sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ngayon aniya, patuloy na nababawasan ang mga mamamayang nakakaranas ng nakawan, rape, carnapping at iba pang krimen.
Ayon kay Carlos, bukod sa pinaigting na kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga, malaki rin ang naitulong ng “Project Rody” ng ilang lokal na pamahalaan.
Sa ilalim kasi ng Project Rody, mas hinihigpitan ng mga pulis ang pagpapatupad ng curfew sa mga barangay, kaya nababawasan na ang mga pakalat-kalat sa kalsada tuwing gabi.
Dahil aniya dito, nababawasan rin maging ang mga gang wars ng mga kabataan.
Samantala, nabanggit din ni Carlos na kapansin-pansin din ang pagtaas ng bilang ng mga napapatay sa mga unang buwan ng administrasyong Duterte.
Paliwanag ng tagapagsalita, ito ay dahil naglilinis na at nagbabawas ng mga tao ang mga sindikato ng mga kriminal.
Umapela naman si Carlos sa mga barangay officials at mga magulang na makipagtulungan sa kanilang misyon na gawing mas ligtas ang paligid para sa lahat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.