VFA, posibleng kailanganin sa joint exercises kasama ang China

 

Marami pang kailangang ikonsidera at asikasuhin bago matuloy ang joint military exercises sa pagitan ng Pilipinas at China.

Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, posibleng mangailangan muna ng visiting forces agreement (VFA) na ratipikado ng Senado bago maisagawa ang naturang military drills.

Aniya, bukas naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagsasagawa ng drills kasama ang China, pero kailangan muna ng “framework” bago ito gawin sa bansa.

Dito aniya kasi tutukuyin ang mga mahahalagang bagay tulad ng kung saan gaganapin ang military exercises, anong units ang sasabak dito, gaano katagal ang patrol, at pati na rin ang komunikasyon sa pagitan ng dalawang panig.

Mahalaga aniyang magkaroon ng ganito, lalo’t ito ang magiging kauna-unahang drills kasama ang Chinese forces at papasok sila sa ating teritoryo.

Gayunman, tanging sa United States at sa Australia lamang may VFA ang Pilipinas.

Matatandaang kamakailan ay nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte na bukas siya sa pagkakaroon ng joint exercises kasama ang China sa Mindanao o sa Sulu Sea.

Read more...