B-1 bombers ng US, lumipad sa tensyonadong Korean peninsula
Dalawang ulit nang lumipad ang mga bombers ng Amerika sa Korean Peninsula sa gitna ng tumataas na tensyon sa naturang rehiyon.
Ito ang kinumpirma ng US Air Force bagama’t kanilang iginigiit na bahagi lamang ito ng kanilang isinagawang joint military drills kasama ang puwersa ng South Korea at Japan.
Noong Lunes, lumipad ang dalawang US B-1 bombers mula sa Andersen Air Force Base sa Guam at nagtungong East sea o Korean Peninsula.
Nauna pa rito, dalawang B-1 bomber rin ang umikot sa South Korean airspace noong April 26, ayon sa isang US defense official.
Giit ng opisyal, matagal nang nakaplano ang naturang fly-by kahit hindi pa tumataas ang tensyon sa lugar.
Sa kabila nito, itinuturing pa rin na isa na namang ‘provocation’ ng North Korea ang paglipad ng mga bomber planes ng Amerika sa naturang lugar.
Ayon sa State network news ng North Korea, patuloy na pinatataas ng Amerika ang tensyon na malapit na umano sa punto ng isang ‘nuclear war’.
Hindi na bago ang pagpapalipad ng mga US bombers sa Korean peninsula.
Noong January 2016, nagpalipad rin ng mga B-52 bombers ang US mula sa Guam tungong Korean peninsula makaraan ang ikaapat na nuclear testing ng North Korea.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.