Kinatigan ng Supreme Court ang naging desisyon ng Court of Tax Appeals (CTA) noong February 2012 na nagbabasura sa reklamo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa Philippine Daily Inquirer (PDI).
Sa 23-page decision ng Second Division ng Supreme Court, sinasabing hindi na pwedeng ipilit ng BIR ang P4.68 Million tax case laban sa PDI dahil lampas na ito sa panahon na dapat ay naisampa ang kaso.
Gayuman ay sinabi ng Mataas na Hukuman na may nakita silang discripancies sa value-added tax declaration ng PDI pero ito ay maisasa-ayos sa pamamagitan ng recomputation.
Sinabi ng Supreme Court na lampas na sa 3-year prescribed period ang pagsasampa ng reklamo base sa Section 203 ng National Internal Revenue Code (NIRC).
Sa kanilang reklamo ay sinabi ng BIR na ang 10-year period mula sa pag-iisyu ng letter-notice of underdeclaration ng binayarang buwis ang kanilang pinagbasehan na kanilang ipinadala sa PDI noong August 2006.
Pero sa kanilang desisyon ay sinabi ng Mataas na Hukuman na ang BIR ang nagkamali sa panahon ng pagsasampa ng reklamo na nag-ugat sa sinasabing kapabayaan sa kanilang hanay.
Nag-ugat ang reklamo ng BIR sa PDI sa umano’y underdeclaration sa supply purchases na pinasok ng pahayagan noong 2004.
Sa botong 5-0 ay pinawalang-sala ng Second Division ng Supreme Court ang PDI sa tax assessment case na isinampa ng BIR.
Kabilang sa mga bumoto pabor sa naunang desisyon ng CTA ay si Justice Samuel Martirez na siyang kauna-unahang appointee ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Supreme Court.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.